BANGKOK — Muling nabigo si Genebert Basadre kay Doha Asian Games gold medallist Hu Qing ng China, 10-22, at lalong nagdilim ang tsansa ng RP PLDT Smart boxing team na makakuha ng Olympic berths dito sa AIBA Asian Boxing Olympic Qualifying tournament na ginaganap sa Dhurakij Punjit University dito.
Hindi nagawa ni Basadre ang gameplan na umatake ng close range at pinuntirya nito ang katawan ng kalaban at ito ay hindi nagbunga ng maganda dahil ginamit lamang ng Chinese ang kanyang height at reach advantage upang makasulong sa quarterfinal round ng lightweight class.
“Ang plano pagsuntok dapat papunta sa loob ang ilag pero siya sa labas kaya inaabot siya kasi nga masyadong mahaba ang kamay ng kalaban (Our plan was to have him fight at close range and dodge inside. But he opted to back off, so he gets hit since his rival has longer reach),” ani coach Pat Gaspi.
Ito ang ikatlong pagkatalo na nalasap ng five-man RP PLDT Smart team roster, kaya’t ang natitirang pag-asa ay sina bantam Joan Tipon at light welter Fil-Am Adam Fiel na magsulong sa RP Team na naghaha-ngad makakuha ng dalawang slots sa Beijing Olympics na nakatakda sa August.
Habang sinusulat ang balitang ito, ay kasalukuyang nakikipaglaban si Fiel, premyadong discovery sa Palo Alto, California, kontra kay Tubshinbat Byamba ng Mongolia sa final bout kagabi.
Sisikapin naman ni Tipon na muling maigupo ang Pakistani na si Mukamamad Alid sa Lunes. (Dante Navarro)