Inaasahang aabot sa 20 ang mga Filipino athletes na maaaring makita sa aksyon sa darating na 2008 Olympic Games sa Beijing, China sa Agosto.
Ito, ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez, ay mata-pos na ring madagdag ang beteranong national shooter na si Eric Ang sa listahan ng naunang walong nakakuha na ng Olympic berths.
“It was confirmed by Mr. Art Macapagal na nakakuha si Eric Ang ng wildcard entry,” sabi kahapon ni Ramirez matapos makausap ang naturang pangulo ng Philippine National Shooting Association (PNSA).
Kasama ni Ang na pumutok ng silver medal sa men’s trap team ng 2007 Thailand Southeast Asian Games sina Jethro Dio-nisio at Carlos Carag.
Bukod sa shooting, may nakalaan ring dalawang wildcard token para sa 2008 Beijing Games ang athletics at apat naman sa wushu.
Nauna nang nakasilo ng Olympic ticket sina swimmers Miguel Molina, JB Walsh, Daniel Coakley at Ryan Arabejo, taek-wondo jins Tshomlee Go at Mary Antoinette Rivero, boxer Harry Tañamor at archer Mark Javier.
Samantala, isang kasunduan naman ang nakatakdang lagdaan ng PSC at ng Milo para sa paghahanap ng 60 hanggang 70 bilang ng mga batang atleta na sasailalim sa isang sports program. (Russell Cadayona)