Sa likod nina Fil-American tennis players Cecil Mamiit at Eric Taino, handang-handa na ang Philippine Team na sagupain ang Japan sa Davis Cup I Tie sa Pebrero 8-10 sa Rizal Memorial Tennis Center.
Ito ang pang 11 pag-kakataon na sasabak sa nasabing torneo ang mga Filipino netters, ayon kay tennis ‘Godfather” Jean Henri Lhuillier.
“Our players are ready and we are looking forward to a very exciting competition from the Japanese team,” wika kahapon ni Lhuillier sa national squad na may apat na panalo sa huling 10 laba-nan sa Davis Cup.
Nakabalik sa Group I ang mga Pinoy, aabante sa susunod na round laban sa mananaig sa pagitan ng Uzbekistan at India sakaling manalo sa mga Japanese netters, matapos talunin ang Kuwait noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Maliban kina Mamiit, humataw ng gold medal sa men’s singles ng 2005 at 2007 Southeast Asian Games at bronze medal naman sa 2006 Asian Games sa Doha, Qatar, at Taino, ang iba pang miyembro ng koponan ay sina Johnny Arcilla, PJ Tierro, Kyle Dandan at Pablo Olivarez.
Makakatapat ng naturang grupo sa Japanese team sina No. 212 Go Soeda, No. 244 Takao Suzuki, No. 288 Kei Nishikori, No. 367 Satoshi Iwabuchi at No. 300 Gouichi Motomura.
May 1-1 rekord si Mamiit kontra kay Soeda, samantalang tinalo naman ni Taino si Suzuki sa kanilang unang laro. (Russell Cadayona)