Paragua lider pa rin

Hiniya ni GM Mark Paragua si Indonesian Sugeng Prayitno para manatili sa liderato matapos ang sixth round ng first ASEAN Masters Chess Circuit noong Lunes ng gabi sa Tarakan, Indonesia.

Hawak ng 23 anyos na si Paragua ang itim na piyesa nang magwagi ito sa 32 moves ng Queens Pawn Game para sa kanyang kabuuang 5.5 puntos sa 12-man field GM-B closed tournament.

Nanaig din si IM Jayson Gonzales, na nagtatangka ng kanyang  third at final GM norm kay Indon IM Salor Sitanggang sa 47 moves ng English Opening hawak naman ang puting piyesa para makasama ang mga kababayang sina FM Roland Nolte sa 2nd hanggang 3rd places na may magkatulad  na 4.5 points. Si Nolte, na tangka ang third at final IM norm ay nanaig sa kababayan at FM Oliver Barbosa matapos ang marathon 54 moves ng Spanish Game.

Hiniya naman ni Armenian IM Ashot Nadanian si Indon GM Cerdas Barus para makopo ang solong 4th place na may 4.0 points. Tinalo naman ni Indon GM H. Ardiansyah si Indon WIM Irine Kharisma Sukandar para makapagtumpok ng 3.0 points at makapuwersa ng  three-way sa 5th hanggang 7th placers kasama sina Sitanggang at Indon FM Syarif Mahmud, na yumuko kay Malaysian FM Mok Tze Meng.

Hawak ang puting piyesa, hindi din nagpahuli si GM Eugene Torre kay  Indon FM Tirta Chandra Purnama sa 37 moves ng Irregular Opening tungo sa  3.5 points at sosyo sa 2nd hanggang 5th placers na kinabibilangan nina  GM Wesley So, GM Susanto Megaranto at IM Tirto ng Indonesia, sa GM (Grandmaster) A closed tournament.

Sa Women International Master (WIM) section, natamo naman ni Woman NM Christy Lamiel Bernales ang ika-2 sunod na pagkatalo sa kamay ni WFM Nguyen Thi May Hung ng Vietnam sa 4 moves ng Queens Pawn Game. Nakihati din ng puntos si Indon IM Irwanto Sadikin kay Indon GM Edhi Handoko sa 17 moves ng Queens Pawn Game tangan ang puting piyesa. Lider pa rin si Sadikin na may 5.5 points, isang puntos ang kalamangan kay solo second place Handoko (4.5 points)

Show comments