Bago pa man ang kontrobersyal na panalo ng mga Thai boxers sa naka-raang 24th Southeast Asian Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong Disyembre ay nakatuon na ang pansin ng International Olympic Committee (IOC) sa AIBA.
Ito ang ibinunyag ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. kaugnay sa masamang estado ng AIBA, ang international boxing federation, sa IOC.
“Boxing internationally is under a close scrutiny of the International Olympic Committee. Iyong kanilang allotment from the IOC of $11 million was withheld in early 2007. It was not given to them outright as compared to the other international federation of sports,” wika ni Cojuangco.
Ang nasabing aksyon ng IOC ay kaugnay na rin sa napapaulat na anomalya sa mga boxing tournaments na pinamamahalaan ng AIBA, nasa ilalim ngayon ng bagong pangulong si Dr. Ching Kuo Wu matapos ang liderato ni Prof. An-war Chowdry.
“It was only released when they changed their officials and elected a new president at saka lamang naibigay ‘yung partial and the balance was only given after the World Championships in Chicago last August,” wika ng POC chief.
Kamakailan ay tinang-gap na ng Amateur Boxing Association of Thailand (ABAT) ang koponan ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) para sa Olympic qualifying meet sa Enero 24 sa Bangkok.
Ito ay matapos na ring utusan ni AIBA executive director Ho Kim si ABAT head Gen. Thaweep Jantararoj na itakda ang panibagong deadline sa pagtanggap ng entries kahapon.
Bago ito, inireklamo na ni ABAP president Manny T. Lopez ang ABAT at si Thaweep sa AIBA matapos hindi padalhan ng imbitasyon para sa Olympic qualifying, ang torneo patungo sa 2008 Olympic Games sa Beijing, China sa Agosto. (Russell Cadayona)