Kinapos si dating world no.1 Francisco “Django” Bustamante kontra kay Larry Nevel sa twelve round (semifinal round) at tumapos na ikatlo para maging best Filipino finisher sa pagpapatuloy ng 10th annual Derby City Classic ‘One Pocket’ division kahapon sa Executive West Hotel sa Louisville, Kentucky.
Unang biniktima ni Bustamante sina Shannon Daulton sa tenth at pinatalsik ang kababayang si Alex Pagulayan sa eleventh bago yumuko kay Nevel sa twelve round.
Makakapuwersa naman si Nevel ng rematch kay Gabe Owen para sa one pocket crown.
Tinalo ni Owen, ex-US Open 9-ball titlist, si si Nevel sa tenth, pinatalsik si dating four-time one pocket crown winner Efren “Bata” Reyes sa eleventh at masuwerteng nakakuha ng bye sa twelve round para makalaban si Nevel sa titulo.
Ikatlo rin si Bustamante noong nakaraang taon sa one-pocket at 9-ball division na naglagay sa kanya sa third place sa Master of the Table Bonus crown kung saan sina Reyes at Rodolfo “Boy Samson” Luat ang kumuha ng top two spot, ayon sa pagkakasunod.
Matapos ang third sa one pocket division, gumanti si Bustamante sa 9-ball division na idinadaos na kasabay ng one pocket event at nagposte ng four consecutive wins matapos mangibabaw kontra kina Norman Mc Kinley, Josh Roberts, Curtist Dehart at isa pang world pool champion Mika Immonen ng Finland.
Giniba muna ni Bustamante si Ron Beard sa opening round ng Derby’s 9-ball at makakalaban si Gus Briseno sa sixth round.
Sina Reyes, Luat, Pagulayan at Jose “Amang” Parica ay kumakasa pa sa 9-ball event. Kalaban ni Parica si James Baraks sa sixth habang sinusulat ito maging si Reyes ay katapat si Demetrius Jelatis, Luat versus Shane Mc Minn at Pagulayan versus John Brumback.
Tinalo ni Reyes sina Mark Boros, Thomas Miller, Corey Deuel at Landon Shuffett sa round 2 hanggang 5, ayon sa pagkakasunod habang nanaig si Luat kontra kina John Smith, Ernesto Dominguez, Joseph Kluka at Tom Spencer, binasura naman ni Pagulayan ay sina George Mc Lanahan, Chuck Gregg, Bobby Mc Grath at Rafael Martinez at matapos matalo si Parica kay Huidji See ay gumamit ng BuyIn option para talunin sina Jason Klatt, Freddie Boggs at John Brumback.
Bukod tanging si US based Santos Sambajon ang Filipino casualty sa 9-ball event, nang yumuko ito kay dating US Open 9-ball winner Corey Deuel sa third round gamit ang kanyang Buy-In option subalit napatalsik sa torneo sa bisa ng pagkatalo kay Oscar Dominguez sa fourth.