Fianza sibak sa Philracom, Roxas OIC

Sinibak na ni Pangulong Arroyo bilang chairman ng Philippine Racing Commission (Philracom) si Gen. Florencio Fianza (Ret.) matapos itong ireklamo ng mga horse owners dahil sa pagpapatupad ng mga bagong policy.

Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita sa media briefing nito sa Malacanang, ang ipapalit ni Pangulong Arroyo kay Fianza sa Philracom bilang officer-in-charge ay si Atty. Jose Fernando Roxas II, na miyembro ng Philracom board, na umano’y manugang ni Presidential Spokesman at Press Secretary Ignacio Bunye.

Sinabi pa ni Sec. Ermita, inaasahang ngayong umaga ilalabas ng Palasyo ang order upang maging epektibo ang pagsibak kay Fianza sa Philracom at pormal na pag-upo naman ni Atty. Roxas bilang kapalit nito.

Magugunita na inireklamo ng Metropolitan Association of Horse Race Owners (Mahro) sa pangunguna ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, Philippine Thoroughbred Owners and Breeders Organization at Klub Don Juan de Manila laban sa pamamahala ni Philracom chairman Fianza at miyembro ng board nito.

Nanindigan ang mga horse race owners na hindi sila sasali sa anumang karera hanggang hindi nagbibitiw sa puwesto si Fianza at miyembro ng Philracom board.

Inakusahan ng mga horse race owners si Fianza at board nito na walang alam sa pagpapatakbo ng industriya dahil sa nagpapatupad ng mga bagong policy na hindi kinokonsulta ang mga horse race owners.

Kabilang sa pinoprotesta ng 3 grupo ng mga horse owners ay ang pagpapatupad ni Fianza ng 2-year old at 3-year old handicapping.

Iginiit pa ng grupo na ng maupo si Fianza sa Philracom noong 2006 ay bumagsak ng 2.78 percent ang kita ng industriya.

Iginiit naman ni Fianza na walang basehan ang mga akusasyon ng 3 grupo ng horse owners at nais lamang niyang linisin ang sindikato sa karera kaya nais niyang magpatupad ng mga bagong policies upang protektahan ang betting public.

Show comments