Matapos masibak sa ‘9 ball bank’ event, nagparamdam agad si defending one pocket event champion Efren “Bata” Reyes na kaya niyang mapanatili ang korona sa pagpapatuloy ng 2007 Derby City Classic ‘ 9-ball Bank’ Division kahapon sa Executive West Hotel sa Louisville, Kentucky.
Nanaig si Reyes, top player ng Puyat Sports, kay Dave Biggers sa opening round ng one pocket event para makaharap sa susunod na round si Dave Wagner.
Noong nakaraang taon, tinalo ni Reyes sa finals ang Amerikanong si Cliff Joyner para makopo ang one pocket title at top purse $12,000.
Kung papalaring magkampeon, ito ang ikalimang sunod na titulo ni Reyes sa one pocket event.
Una dito ay nabigong mahigitan ni Reyes ang runner-up finish sa last year’s edition ng ‘9 ball bank’ event matapos matalo kina Brent Jackson sa fourth round at Tony Fergerson sa eight round.
Nagpakitang gilas naman sina Alex Pagulayan at Francisco “Django” Bustamante sa pagbubukas ng one pocket event.
Tinalo ni Pagulayan si Jack Mc Pherson para makasarguhan si Harry Platis sa susunod na round habang umibabaw naman si Bustamante kay Jason Miller para makaduwelo si Charles Bryant sa susunod na round.
Si Pagulayan ay nagtamo ng magkasunod na pagkatalo kontra kina Glenn Rogers at Fergerson sa round 10 at round 11 habang natikman naman ni Bustamante ang ika-2 pagkatalo para masipa sa $100,000 annual series ‘9 ball bank’ event kay Michael Surber.
Nagtala din ng magkahiwalay na panalo sa one pocket event sina Jose “Amang” Parica at Santos “The Saint” Sambajon habang nadapa naman si Rodolfo “Boy Samson” Luat.
Tinalo ni Parica si Scott Cohen, umibabaw si Sambajon kay Louis De Marco Jr. at nadapa naman si Luat kay Robert Mc Cormick.