Sa pagtatapos ng double round eliminations ng Smart-PBA Philippine Cup ay isa lang ang malalaglag na koponan at hindi uusad sa susunod na yugto.
Ito’y walang iba kundi ang Welcoat Dragons na nakalasap ng ikasiyam na sunod na kabiguan sa kamay ng Sta. Lucia Realty, 107-93 noong Biyernes. Nanatili ang Dragons sa hulihan ng standings sa record na 3-13.
Ito ang ikatlong sunod na pagkakataong na-eliminate ang Dragons at masakit-sakit na ang karanasang ito.
Kasi nga’y “high hopes” ang tropa ni coach Leovino Austria bago nagsimula ang season matapos na makuha nila bilang No. 1 pick overall sa 2007 Draft ang FilAmerican na si Joe Calvin DeVance. Nasungkit din nila buhat sa Alaska Milk ang beteranong si Nic Belasco na siya nilang naging main man.
Kahit paano’y nagkaroon ng anghang ang Welcoat at maganda naman ang naging simula ng kanilang kampanya. Pero sa dakong huli ay minalas na nang katakut-takot ang Dragons.
Sa tutoo lang, hindi kaagad nakapamayagpag si DeVance dahil sa nagtamo ito ng sprained ankle sa practice isang araw bago ang una nilang game kontra Coca-Cola. Pagkatapos ay nanakit ang likod nito.
Bukod kay DeVance ay nagtamo din ng injury ang batang sentrong si Jay-R Reyes pati na rin ang point guard na si Froilan Baguion.
At noon ngang Biyernes ay nawala pa sina Denver Lopez at Nino Gelig na kapwa nagtamo rin ng injury. Namiss din nila ang serbisyo ni DeVance na nagpunta sa Estados Unidos upang magpakasal sa kanyang girlfriend. Ang paglisan ni DeVance ay bahagi na ng kanilang agreement bago pa man pumirma ito ng kontrata. Nai-set na kasi niya ang araw ng kanyang kasal at noon pa man ay pinayagan na siya ng pamunuan ng Welcoat.
Well, “back-to-the-drawing-board” stage na naman ito para sa Welcoat. At natural na dismayado ang mga team owners na sina Raymond Yu at Terry Que.
Pero may silver lining naman para sa Welcoat, e.
Dahil sa sila ang nangulelat sa torneo, papayagan silang magkaroon ng dalawang imports para sa Fiesta Conference. Malaking bagay na ito para sa Dragons dahil tiyak na lalakas sila. Kailangan nga lang na magaling ang kanilang mapipili kaagad at hindi tulad ng nakaraan kung kelan natanso sila dahil may history ng injury ang kanilang nakuhang import.
Sana naman ay makapagbuga na ng apoy ang Dragons para maging balanse ang labanan sa PBA sa susunod na conference.