Outright semis pakay ng Realtors

Magpalakas para sa outright semifinal slot ang pakay ng Sta. Lucia Realty kaya sisikapin nilang dugtungan ang impresibong five-game-winning streak.

Inaasahang magiging magaan ang layuning ito ng Realtors na haharap sa kulelat na Welcoat Paints sa pagpapatuloy ng 2007 Smart-PBA Philippine Cup na magpapatuloy ngayon sa Araneta Coliseum.

Bagamat pinapaborang manalo ang second-running na Realtors kontra sa Dragons, mapanganib ang Welcoat sa alas 4:50 ng hapong sagupaan dahil hangad naman nilang makaiwas sa maagang pagkakasibak sa kontensiyon.

Katabla ng Sta. Lucia sa 9-6 kartada ang walang larong Red Bull sa likod ng nangungunang Purefoods na may 11-4 win-loss slate habang ang Welcoat ay nanganganib sa kanilang 3-12 kartada.

Galing sa walong sunod na talo ang Dragons at siguradong determinado ang mga ito na makapagdeliber ng panalo, bagay na pinangangambahan ni Sta. Lucia coach Boyet Fernandez.

The biggest test for us right now I think is the game against Welcoat,” ani Fernandez. “With eight straight loss, there is no way for them but up.”

Maghaharap naman sa ikalawang laro ang Magnolia Beverage at Air21 sa alas 7:20 ng gabi.

Katabla ng Beverage Masters sa 8-7 kartada ang walang larong Talk N Text sa likod ng 9-7 record ng Aces.

Sa ikalawang laro, magbabalik naman sa bench si coach Bo Perasol upang muling gabayan ang Express na hindi niya nagawa noong Linggo ngunit nanalo pa rin ang kanyang mga bata, 102-97 kontra sa Coca-Cola na nalagutan ng five-game winning streak. (Mae Balbuena)

Show comments