Hindi tulad ng una silang magtagpo sa title series, ang nalalapit na final showdown ng Harbour Centre at Hapee Toothpaste para sa PBL V-Go Extreme Energy Drink Cup ay inaasahang wawasak sa records ng liga.
Kapwa pinalakas ng Fil-Am players si Gabe Norwood sa Hapee at si Solomon Mercado naman sa Harbour ang bumubuhay sa kiliti ng mga fans.
Hindi lamang karisma sa pagiging lider si Norwood kundi nagbibigay ng init na kailangan kung hahamunin.
Sa kabilang dako, si Mercado naman ay mahirap pigilan lalo na kapag nananalasa. Hawak ni Mercado ang record sa highest input ngayong conference na may 33 puntos na kanyang itinala nang talunin ng Batang Pier ang San Mig Coffee.
Tinampukan pa ito ng 8-of-9 shooting mula sa three-point zone. At bukod sa shooting, kilala din si Mercado sa pagiging devil-may-care drives, kung kaya tinagurian itong ‘Mark Caguioa’ ng PBL.
“Gabe is a versatile player, he does all the things you want him to do on the court,” wika naman Hapee coach Jun Noel sa kanyang bataan. “But one thing I like him most is his character. He’s very patient and unselfish.”
Malaki din ang papel na ginampanan ni Norwood sa tagumpay ng Team Philippines sa katatapos na 24th SEA Games sa Thailand.
Sa taas na 6’5 ang dating George Mason University standout ay puwedeng maglaro ng forward, center pero mas komportableng maglaro ito bilang guard-- na kanyang papel sa kanyang paglalaro sa NCAA Division 1 tournament sa Amerika.