Mula sa isang dikitang laro sa third period, pinalobo ng Magnolia ang kanilang bentahe sa 12 puntos sa fourth quarter kontra Alaska para wakasan ang kanilang three-game losing skid.
Tumipa si Lordy Tugade ng 30 puntos, 13 rito ay kanyang hinugot sa final canto, at 5 rebounds para ibigay sa Beverage Masters ang 104-92 tagumpay laban sa Aces sa 2007 PBA Philippine Cup kahapon sa Xavier University Gym sa Cagayan de Oro City.
Matapos ang split ni two-time Most Valuable Player Willie Miller para sa 62-64 agwat ng Alaska, isang maikling 9-0 atake ang ginawa ng Magnolia upang iposte ang 73-62 abante sa huling 1:35 ng third period.
Itinala ng Beverage Masters ang pinakamalaking 13-point lead, 94-81, sa 5:12 ng fourth quarter mula sa basket ni Tugade bago ito naputol ng Aces sa pito, 92-99, sa huling 41.6 segundo buhat sa isang 3-point shot ni Miller.
Sumulong ang Magnolia sa 8-7 kadikit ang Alaska (8-7) sa ilalim ng Purefoods (11-3) Red Bull (9-5), Sta. Lucia (8-6), Talk N Text (8-6) kasunod ang Coca-Co-la (6-8), nagdedepensang Ginebra (6-9), Air21 (5-8) at Welcoat (3-12).
Samantala, tangka ng Coke na maideretso sa anim ang kanilang arangkada sa pakikipagkita sa Air21 ngayong alas-7:20 ng gabi matapos ang upakan ng Sta. Lucia at Talk ‘N Text sa alas-4:55 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City. (RCadayona)