Talk N Text walang maaasahang Cardona at Carey

Dahilan sa kanilang flagrant foul, isang one-game suspension ang natanggap ni Mac Cardona at two-game suspension naman ang nalasap ni Harvey Carey ng Talk ‘N Text bukod pa sa kani-kanilang P20,000 fine.

Ayon kay coach Derek Pumaren, hindi makakatulong sa kampanya ng Phone Pals ang naturang aksyon nina Cardona at Carey laban kay Jojo Tangkay ng Welcoat noong Biyernes.

“I told him to not to lose his focus on the game. Definitely, they’re going to be a big loss to our cause considering that we are trying to salvage an outright quarterfinals seat,” ani Pumaren kina Cardona at Carey.

Sasagupain ng Talk ‘N Text ang Air21 ngayong alas 4:50 ng hapon bago ang salpukan ng Alaska at rumaratsadang Sta. Lucia sa alas-7:20 ng gabi sa 2007 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Ipaparada ng Express si 6-foot-6 Gabby Espinas, nanggaling sa Magnolia Beverage Masters bilang kapalit ng isang 2008 first round pick.

“We can afford to release one of our first-round picks in favor of this young, talented player, whom I believe will blossom further with the Express,” ani Air21 team manager Lito Alvarez.

Makakasabay ni Espinas, nagbigay sa Philippine Christian University ng unang NCAA crown nito noong 2004, sa Express sina Arwind Santos at KG Canaleta.

Samantala, bukas pa rin ang pinto ng Air21 para sa posibleng pamamahala ni dating Sen. Robert Jaworski, Sr, ayon kay Alvarez.

“I told him, anytime you feel you’re ready, just tell me. This team is his. The interest is there, otherwise, hindi na siya magsasabi pa na i-resume ‘yung usapan,” wika ni Alvarez. (R.Cadayona)

Show comments