Nagsimula nang dumating kahapon ng umaga ang mga miyembro ng Team Philippines na sumabak sa katatapos na 24th Southeast Asian Games sa Thailand.
Sa kabila ng kabiguang maipagtanggol ang overall championship na nakamtan noong 2005 Philippine SEA Games, may dapat pa ring ipagmalaki ang mga Filipino athletes, ayon kay men’s basketball head coach Junel Baculi.
“We’re very happy, very fullfilled. Naghirap ang mga players para sa bayan natin. We prepared more than seven or eight months,” wika ni Baculi, gumiya sa Nationals sa gold medal.
Pinaghirapan rin ni woman boxer Annie Albania ang kanyang panalo sa flyweight division ng boxing competition na nabalutan ng kontrobersya nang ipatalo ng men’s squad ang kani-kanilang mga laban sa finals kontra sa mgaThai fighters.
“Nakikipag-sparring kami sa lalaki, marami akong injury na natanggap bago nakamit ang tagumpay na ito,” ani Albania, ibinulsa ang nag-iisang gold medal ng RP boxing team.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Presidential Management Staff (PMS) chief Cerge Remonde na magbibigay si First Gentleman Atty. Mike Arroyo ng bonus para sa mga gold medalists ngThailand SEA Games.
“I am sure that the First Gentleman would take care of our Filipino athletes. He has been taking care of them especially ang nagbigay ng honor sa ating bansa sa SEA Games,” ani Remonde.
Sa 2005 Philippine SEA Games, 112 gold, 84 silver at 94 bronze medals ang naibulsa ng mga national athletes upang tanghaling overall champion. (R. Cadayona)