Kay daming gulong nagaganap sa Southeast Asian Games. Nagkakadayaan na nga, ang dami pang kapalpakan ng mga opisyal natin. At kitang-kita ang kakulangan ng koordinasyon sa task force, Philippine Olympic Committee at mga national sports association.
Halimbawa na lamang ang kung ano ang dapat na suot na isponsor ng ating basketball team. Unang laro, iba ang suot. Sumunod na laro, iba na naman. Di rin malaman kung sino sa POC o SBP ang dapat makapagsabi kung sino ba ang dapat kilalaning isponsor ng team. Doon pa lang, nagkakalabuan na.
Bago pa magsimula ang SEA Games, may kumalat na balitang nakipagsigawan diumano ang isang mataas na opisyal ng POC sa mga organizer, dahil lamang maling uri ng accreditation ang ibinigay sa kanya. Pinagtaasan daw ng nasabing opisyal na dating atleta kung ano ang kanyang katayuan sa Philippine sports, hanggang sa pinahinahon siya ng mga iba nating opisyal. Kung tutoo man ito, nakakahiya talaga.
Sa bowling, sa pagkakasulat nito, wala pang natisod na ginto ang ating koponan. Subalit, isang linggo bago magsimula ang SEA Games, sinibak ang numero uno nating manlalarong si Markwin Tee, at ang panlima nating pinakamahusay na si Joonee Gatchalian. Kapwa defending SEA Games champion ang dalawa. Nag-apila sila sa board ng Philippine Bowling Congress, at nanalo sila. Subalit hindi pa rin sila ibinalik sa team ni PBC president Steve Hontiveros. Bakit? Sinabi ng PBC na leeg ng mga coach ang nakataya dito. Tignan nga natin kung sila naman ang masisibak dahil sa pamumulitika.
Lingid din sa kaalaman ng marami, noong Miyerkules bago pormal na pasinayaan ang SEA Games sa Nakhon Ratchasima, tinanggal sa puwesto si PSC commissioner Leon Montemayor. Matagal na diumano nakaumang ang pagpapapalit sa kanya, subalit naging masagwa ang pagtataon ng implementasyon. Nasa Pattaya noon si Montemayor, at ang kabalintunaan noon ay siya ang nagtratrabaho para sa mga aquatic events doon nang tawagin siya para umuwi ng Pilipinas. At ang balita ko’y hindi siya ang huling tatanggalin sa puwesto, lalo na’t maraming di kanais-nais na nangyari sa Thailand.
Nakakatawang nakakaiyak lalo ang nangyari sa beterano nating equestrienne na si Toni Leviste. Matapos lumahok sa torneo sa Malaysia, sila ng kanyang kabayong si Just Jewels ay makikisakay sana sa Malaysian team papuntang Thailand. Bigla na lamang siyang sinabihan na hindi siya puwedeng umangkas. Naiwan siya sa Malaysia. Ang tanong ngayon ay kung bakit natin ilalagay sa ganoong situwasyon ang ating atleta? Hindi ba naiisip ng mga namumuno sa asosasyon na maaari tayong gulangan ng Malaysia, na mahigpit nating karibal?
May bago ring executive director ang PSC sa katauhan ni Fr. Vic Uy, bise presidente ng University of San Carlos. Ilang buwan na ring nasa Metro Manila si Uy upang kasanayan ang pang-araw-araw na gawain sa komisyon. Umaasa si chairman Butch Ramirez na, dahil sa presensya ng isang pari, luminis na ng ganap ang pangalan ng PSC, at mawala na ang alternatibong kahulugan ng salitang “commissioner”.
Maraming sport sana ang makakahakot ng maraming medalya tulad ng bowling. Sa dancesport, walang pinadalang coach, pero sampung ginto ang nakataya. Sa billiards, kinapos din ang mga manlalaro natin. Sa track and field at swimming, nakakaani tayo, pero kulang pa rin. Noong una, ang sabi ng POC ay 100 ginto ang iuuwi natin. Ayon naman sa PSC, 85. Ngayon, magiging mapalad tayo kung aabot ng 60.
May masisibak kaya sa mga NSA dahil doon? Sa palagay ko’y wala. Wala namang nagbago, e.