NAKHON RATCHA-SIMA -- Kung ang unang ginto ay nakuha kamakalawa ng umaga, siniguro naman ngayon ng mga RP tankers na hindi matatapos ang araw na hindi makakadagit ng kahit dalawang gintong medalya dito sa 24th Southeast Asian Games.
At hindi nabigo ang mga Pinoy nang languyin ni Ryan Arabejo ang ikalawang gintong medalya ng bansa sa 200m backstroke na sinundan naman ni Miguel Molina ng gold sa 400m individual medley sa swimming event sa Aquatics Center ng His Majesty the King’s 80th Birthday Anniversary Stadium.
Naorasan si Arabejo ng 2:05.82 sa kanyang ginintuang performance upang daigin ang dalawang Singaporean na nagtapos na ikalawa at ikatlo para naman sa silver at bronze medal.
Si Molina ay naorasan ng 4:28.85 at siya ay sinundan ng Indonesian na si Nasution Muhammad 4:28.91 habang malayong ikatlo ang Singaporean na si Zhi Lim (4:40.42).
Hindi man ginto, kumikinang pa rin ang silver medal sa araw na iyon para sa bansa. Bukod dito kumopo din ng 5 bronze ang bansa para idagdag sa listahan ng medal tally. Hindi tumitigil ang Philippine cycling team, ang unang nakapagbigay ng gintong medalya sa bansa sa kanilang pag-aambag, nang isang silver at dalawang bronze ang inihandog ng cross country team makaraang magtapos na 2-3 sina Eusebio Quiñones at Niño Surban at ikatlo din si Baby Marites Bitbit sa cross country cycling event na ginanap sa Kaho Yai Thieng-Lamtakong Dam dito.
Nagtapos ang dalawang Pinoy na sina Quiñones at Surban sa likuran ng gold medalist na si Tawachi Masae ng Thailand para sa silver at bronze medal.
Naorasan ng 2:01.58 si Quiñones, may 2:30 segundo sa likuran ng nakagold na si Masae (1:29.28) at si Surban naman ay nagtala ng 2:03.10 para sa bronze medal.
Mula naman sa athletics ang 3 pang silver at isang bronze ang naiambag nito.
Nagkasya na lamang sa silver medal sina Mary Grace Milgar sa women’s 400m hurdles at Rosie Villarito sa women’s javelin throw at Julius Sermona sa 5,000m run habang bronze naman si Eliezer Sunang sa men’s shot put at Jobert Delicano sa men’s triple jump.
Nakasilver din si Marcus Valda sa men’s freestyle 84 kgs. ng wrestling at bronze naman kay Ma. Cristina Vergara sa women’s freestyle 51kg.
Bunga nito, nasa fourth place na ngayon ang Pinas na unang hinandugan ng ginto ni cyclist Joey Barba sa downhill event, na may tatlong gold, walong silver at siyam na bronze habang sinusulat ang balitang ito.
Kasalukuyang nakikipagsarguhan para sa bronze medal ng snooker sina Marlon Manalo, James Al Ortega at Benjamin Guevarra sa Singapore team.