Sa isang no-bearing game, pinadapa ng Cebu Dolphins ang Marikina Shoe Makers, 16-8 para makamit ang kartang 7-3 panalo-talo sa pagtatapos ng elimination round kahapon sa Baseball Philippines Series II sa Rizal Memorial baseball park.
Ang Dolphins na lumaro na wala ang mga RP team members dahil sa naglalaro sa abroad ay hindi gaanong dinibdib ang game dahil nga sila ay pasok na sa finals ng South Division, ay naghihintay na lang kung sino ang mananalo sa Dumaguete Unibike at ang Forward Taguig na kasalukuyan pang naglalaro.
Sa kabilang dako, gaya ng Dolphins, ang Shoe Makers ay nag-iingat din sa kanilang laro sa dahilan sila na ang number 2 sa North Division na may advantage na twice-to-beat kontra sa pumangatlong Makati Mariners sa North Division na ang mananalo sa dalawang nabanggit na team ay makakaharap ang Manila Sharks sa finals ng Division.
Ang torneo ay sponsor ng Philippine Sports Commission, Purefoods TJ Hotdogs, Gatorade, Mizuno Sports, Harbour Centre, Inc., Industrial Enterprises Inc., Philippine Transmarine Carrier, Fort Bonifacio Development Corp., Forward Taguig, Philippine Olympic Committee, Gerry Davis Sports at Go Nuts Donuts ay pinatatakbo ng Community Sports Inc., sa pamumuno nina Leslie Suntay at Chito Loyzaga.
Samantala, si Larry Icban ay bumanat ng isang RBI (runs batted in) single sa huling inning upang ihatid si Nick Natividad sa homeplate at iligtas sa pagkatalo ang Manila Sharks kontra sa Makati Mariners.
Sa extra inning naman, si Baccus Ledesma ay tumirada ng isang 2-run scoring single upang pa-iskorin si Richard Labargan at Joey Guerrero at ipanalo ang Sharks sa iskor na 7-5 at tapusin ang elimination round na may 8-2 karta.
Ayon sa format, ang No. 2 team ng dalawang division ay makakaharap ang number 3 sa kani-kanilang division na may bentaheng twice-to-beat, at ang mananalo sa nasabing labanan ay makakaharap naman ang number 1 team na may bentahe ding twice-to-beat.(ADela Cruz)