Si Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. ang unang Filipino fighter na tinanghal na world boxing champion ngayong 2007 at siya rin ang unang magdedepensa ng kanyang nakuhang korona sa pagtiklop ng taon.
Ipagtatanggol ngayon ng 25-anyos na si Donaire ang kanyang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles laban sa 29-anyos na si Mexican challenger Luis Maldonado sa Foxwoods Casino sa Mashantucket, Connecticut.
Nasa isang 17-fight winning streak ngayon ang tubong General Santos City at nakabase ngayon sa San Leandro, California na si Donaire, kasama na rito ang kanyang fifth round KO kay Vic Darchinyan noong Hulyo 7 sa Bridgeport, Connecticut para sa IBF at IBO belts.
Kung naging maigting ang kanyang preparasyon sa kanilang championship fight ni Darchinyan, mas mabigat ang paghahanda ni Donaire para sa una niyang title defense kontra kay Maldonado.
“I’ve trained as hard as I did before,” ani Donaire. “I’ve sparred a lot more than when I fought Darchinyan. But I’m used to fighting whoever it is I’m in the ring with, even if I didn’t know their styles or anything like that. I’m so used to fighting that way, anyways, because of the way I was brought up professionally. Nobody took care of me. So it’s just another person in the ring with me and I want to do my best and take care of it. We really trained for it.”
Ibabandera ni Donaire ang 18-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 11 KOs, samantalang dadalhin naman ng 29-anyos na si Maldonado ang 37-1-1 (28 KOs) slate.
Ang nag-iisang kabiguan ni Maldonado ay galing sa eighth round KO ng 31-anyos na si Darchinyan noong Hunyo 3 ng 2006.
At matapos nito ay apat na sunod na panalo na ang kinuha ni Maldonado, kabilang na rito ang isang 12-round unanimous decision kay Sergio Espinoza (14-4-1, 5 KOs) noong Oktubre para sa title eliminator. (Russell Cadayona)