Depensa ang kailangan
Masyadong mataas ang expectations ng halos lahat sa Talk N Text Phone Pals bago nagsimula ang season na ito. Kasi nga’y nagbalik sa kanilang poder sina Asi Taulava, Jimmy Alapag at RenRen Ritualo matapos na maglaro sa Philippine team.
Pero tila hirap na umusad ang Phone Pals at sa kasalukuyan ay may 5-5 record sila matapos na makalasap ng back-to-back na pagkatalo buhat sa Air 21 Express (118-115) at Red Bull Barakos (109-104).
Ito marahil ang dahilan kung bakit nagdesisyon ang management at coaching staff na magkaroon ng kaunting pagbalasa sa team. Pero earthshaking ang balasang naganap dahil sa ipinamigay nila si Paul Asi Taulava sa Coca-Cola kapalit ni Ali Peek at ng 2008 first round pick ng Tigers.
Nakakagulat talaga iyon dahil sa parang “franchise player” na ng Phone Pals si Taulava na naglaro sa kanila sa loob ng walong seasons. Kumbaga’y sa kanya talaga uminog ang Talk N Text sa panahong iyon.
Kung
So, sa pagkakakuha ng Phone Pals kay Peek, ano ang magiging papel nito?
Magkaiba sina Taulava at Peek. Parehas lang ang mga numero nila kung scoring at rebounding ang pagbabasehan.
Pero si Peek ay isang mas mahusay na defensive player. Ito ang kursunadang ayusin ni coach Derick Pumaren sa Talk N Text.
Napakarami kasing scorers ng Talk N Text pero hindi nila magawang ilampaso ang kalaban sa PBA Kasi nga’y kulang sa depensa ang team na ito. Matagal nang sinabi ni Pumaren na nais niyang patibayin ang depensa ng kanyang koponan pero tila walang nangyayari at frustrated na siya.
Hindi nga naman puwedeng kanyunan lang nang kanyunan ang mangyayari at paramihan ng bala. Kahit paano’y mauubusan din sila. O kaya’y mamalasin!
Sa pagdating ni Peek na isa ngang defensive player, baka sakaling mahawa ang ibang Phone Pals at mabago ang ihip ng hangin para sa kanila.
At kung may pagbabagong mangyayari, malamang na ipakita na ng Talk N Text na karapat-dapat silang tawaging “team-to-beat!”
- Latest
- Trending