BANGKOK -- Isa sa aabangang bakbakan ay ang return match ni Cecil Mamiit kay Danai Udomchoke kung saan asam ng Thai netter na makaganti sa kalabang Pinoy sa 24th SEA Games.
Kahapon tangka ni Udomchoke ang korona sa isang torneong inihost ng Thailand na nagsisilbing warmup para sa SEAG.
Naghari si Udomchoke sa 2006 Doha Asian Games singles event ngunit dalawang beses siyang tinalo ni Mamiit sa 2005 SEA Games.
Nakopo ng Philippines ang overall tennis championship sa Manila sa pamamagitan ng tagumpay sa men’s team, men’s individual at mixed doubles. Sumungkit sina Mamiit at kapwa Fil-Am Eric Taino ng tigalawang gintong medalya.
Ngunit determinado ang Thais na makaganti sa mga Pinoy bagamat hindi lalaro ang star na si Paradorn Srichapan.
Kahapon, ikinasal si Srichapan sa kanyang model-girlfriend Natalie Glebova. Ang 28 anyos na Thai ang may pinakamataas na ranggo, No. 9 sa mga Asyanong players.
Kasalukuyang No. 104 naman si Udomchoke. Ang pinakamataas niyang ranggo ay 77th at 72nd naman si Mamiit. (Nelson Beltran)