Sumandal ang Manila sa kanlang mga gymnasts at archers upang makaligtas sa pananalasa ng Quezon City sa pool at maging overall champion ng 2nd Philippine Olympic Festival national championships.
Nagsubi sina Arielle Nichole Orella at Mage Wagan ng tiglimang gold medals sa rhythmic gymnastics at may tigalawang ginto naman sina Ronalyn Alvarez at Deny Hallarsis sa archery para kumpletuhin ang pagdomina ng Manila, kampeon sa National Capital Region qualifying games, sa isang linggong event na ito sa pagkopo ng kabuuang 62 golds, 38 silvers and 22 bronzes.
Nanguna si Orella sa ball, ribbon, hoop, rope at all-around events sa category I ng rhythmic gymnastics, na dinuplika ni Wagan sa category 2 ng naturang dicipline.
Nanguna naman si Alvarez sa girls’ 30-meter at 50-meter recurve habang nakaginto si Hallarsis sa 50m at 30m men’s recurve.
Ang produksiyong ito ay sapat na upang manatili sa liderato matapos humakot ang QC tankers ng 26 gold medals sa pangunguna nina Louise Sarmiento at Rafael Sta. Maria para sa kabuuang 49 golds, 2 silvers at 24 bronzes.
Ikatlo ang Laguna na may 39 golds, 39 silvers at 34 bronzes.
Naghari ang 17-anyos na si Sarmiento sa 400-meter freestyle 17 and over para sa kanyang ikapitong ginto sa torneong suportado ng Globe, Accel, Pagcor, AMA Computer College, The Philippine Star, Asia Brewery, Negros Navigation at Creativity Lounge.