May gustong iparating si Joan Guzman ng Dominican Republic kay Filipino boxing hero Manny Pacquiao.
Madaling iniligpit ni Guzman ang sinasabing kinatatakutan ni Pacquiao na si Mexican Humberto Soto sa isang unanimous decision para mapanatili ang suot na World Boxing Organization (WBO) super featherweight crown kahapon sa Borgata Hotel Casino & Spa sa Atlantic City, New Jersey.
Pinaganda ni Guzman ang kanyang win-loss ring record sa 28-0 kasama ang 17 KOs mula sa kanyang 118-110, 117-111 at 117-111 puntos, habang naputol naman ang 20-fight winning streak ni Soto para sa kanyang 43-6-2 (27 KOs) card.
Bago pa man itakda ang rematch nina Pacquiao at dating World Boxing Council (WBC) super featherweight champion Marco Antonio Barrera noong Oktubre ay hinamon na ni Guzman ang tubong General Santos City.
Ngunit hindi si Guzman, nasa ilalim rin ng Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya, ang gustong itapat ni Bob Arum ng Top Rank Promotions kay Pacquiao.
Inihayag na kamakailan ni Arum ang rematch nina Pacquiao at WBC super featherweight titlist na si Juan Manuel Marquez sa Marso 15 ng 2008.
Wala rin sa listahan ni Arum ang pangalan ni Guzman at maging ni world welterweight king Miguel Cotto.
“No, no, never. That is a match that I will never make,” ani Arum sa Pacquiao-Cotto welterweight fight. “Miguel is too big, too strong, too dangerous. He might seriously hurt Manny and no one wants that.” (Russell Cadayona)