Adamson nalo sa La Salle

Sumandal ang Adamson kina Neriza Bautista at Angela Benting sa pagbangon sa kanilang masamang simula upang igupo ang La Salle Lady Archers, 19-25, 25-16, 25-23, 25-18, sa pagtatapos ng Shakey’s V-League Second Conference elims sa The Arena sa San Juan.

Pinulbos ng Adamson guest player na si Bautista ang depensa ng La Salle sa kanyang 23 kills at sinuportahan siya ni Benting  na may 16 attacks upang ihatid ang Lady Falcons sa panalo matapos ang isang oras at 36-minutong paluan.

Nagtapos ang Adamson bilang fourth na may 4-3 card, may dalawang larong layo sa elims topnotcher at first conference champion University of Santo Tomas (6-1). Bibitbitin ng Lady Falcons ang kanilang kartada sa single round robin semifinal phase kung saan makakasama nila ang San Sebastian, UST, Ateneo at La Salle.

Hangad ng SSC Lady Stags na samahan ang  UST sa liderato sa pamamagitan ng kanilang tagumpay kontra sa Letran na kasalukuyang naglalaban habang sinusulat ang balitang ito.

Mahusay ang depensa ng La Salle sa naitalang 11 blocks ngunit nahirapan sila kay Bautista.

Show comments