Umaasa si Rachel Daquis na magaling na ang kanyang ankle injury upang matulungan ang Far Eastern U sa kanilang hangaring makakuha ng playoff para sa ikalima at huling semifinal sa pakikipagharap sa Ateneo ngayon sa Shakey’s V-League Second Conference sa The Arena sa San Juan.
Natalo ang Lady Tams sa huling tatlong laro mula sa 2-1 record, kabilang ang pagkatalo sa La Salle noong Biyernes kung saan di nakalaro si Daquis na inaasahang makakalaro na sa alas-3:00 ng hapong pakikipagsagupa sa Lady Eagles.
Kung mananalo ang Lady Tams, makakaplay-off nila ang sinumang mananalo sa La Salle-Adamson match bukas, na makakatabla nila sa 3-4 kartada.
Sigurado na ang Ateneo sa semis round kasama ang nangungunang San Sebastian College na haharap naman sa University of Santo Tomas sa ikalawang laro, dakong alas-5:00 ng hapon.
Wala pang talo ang Baste sa limang laro upang manatiling nagsosolo sa pamumuo kasunod ang semifinalists na ring Tigresses na may 5-1 record habang nasa ikatlong puwesto ang Ateneo na may 4-2 kartada.
Nag-aagawan ang Adamson, 3-3, La Salle, 3-3 at FEU sa dalawang natitirang semis slots ng ligang sponsored ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision katulong ang Mikasa, Accel, 100-Plus Isotonic Drink at Active White Skin whitening products. (MBalbuena)