2 Bustamante, umabante
Kinailangang humugot ng inspirasyon ni Joven Bustamante upang igupo ang kalabang Hapon sa kanilang mahigpit na labanan.
Kabaliktaran naman ito ng naging tagumpay ng beteranong si Francisco ‘Django’ Bustamante na nagposte ng magaang panalo laban sa kababayang si Alex Pagulayan.
Kapwa umusad sa quarterfinal rounds sina Joven at Django sa 2007 World Pool Championships na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kagabi.
Sa pinakamasamang performcne ni Bustamante, sumilat kay 2005 champion Wu Chia-ching noong Huwebes kung saan apat na beses itong nag-scratch, naghabol ng dalawang racks at nag-blunder pa sa 9-ball, nagawa pa rin nitong hugutin ang 11-9 panalo laban kay Kawabata.
“Sa sama ng laro ko, hindi ko din alam kung paano ako nanalo. Saka inisip ko din, kung si Dennis (Orcullo) at Wu tinalo ko, siya pa kaya,” pahayag ng 29-gulang na si Joven, professional player sa Kuwait.
Susunod na makakalaban ni Joven, semifinalists sa World 8-Ball Championship sa United Arab Emirates sa Last 8 si Karl Boyes. Tinalo ng Englishman si Konstantin Stepanov ng Russia, 11-4.
Inilampaso naman ng 43-gulang na si Django ang 2004 champion na si Pagulayan, 11-2, sa all-Filipino showdown.
Mula sa 2-2 pagtatabla ng iskor, kinuha ni Django ang siyam na sunod na racks upang makasiguro ng slot sa quarterfinals.
“Malaki ang tsansa, kahit sino na ang makalaban natin,” ani Django, humugot ng 10-8 panalo laban kay Nick van den Berg ng Holland, kamakalawa.
Hindi naman nagpakita ng pagkadismaya ang komikerong si Pagulayan.
“I’m not frustrated, because I Iost to the guy who I predicted would win this tournament,” wika ni Pagulayan. “If he doesn’t win, I’ll burn his car,” pagbibiro nito.
Susunod na kalaban ni Django ang mananalo sa pagitan ng Englaterang si Daryl Peach at Harald Stolka ng Germany.
Sa panalo ni Joven, naipaghiganti nito ang pagka-talong nalasap ng kababayang si Antonio Gabica kay Kawabata sa 8-ball final ng 2006 Asian Games sa Doha, Qatar.
“Talaga? I didn’t know that,” ani Joven. “E, di ma-ganda. Kahit paano nabawian natin siya.”
Bukod sa dalawang Bustamante, ang nalalabing pambato ng Pinas ay ang isa ring qualifier na tulad ni Joven na si Roberto Gomez.
Nagtala si Gomez ng kahanga-hangang 10-2 panalo laban sa dating titlist na si Chao Fong-pang ng Taipei kamakalawa at kasalukuyan pa itong naki-kipaglaban kontra kay Dutchman Niels Feijen habang sinusulat ang balitang ito.
Umusad din sa round-of-8 si Mika Immonen, ang 2001 champion matapos ang 11-8 panalo kay Alain Martel ng Canada.
Magsisimula ang mga matches para sa quarter-finals na susundan na rin ng semifinals ngayong umaga simula alas-10:30.
Sa kabuuan, may 15 entries ang Pinas ngunit maagang nasibak sina defending champion Ronnie Alcano at Efren ‘Bata’ Reyes at tatlong Pinoy na lamang ang natitira ngayon.
- Latest
- Trending