Sa halip na ang Air 21 ang magpagana ng kanilang kinatatakutang running game, ang Sta. Lucia pa ang gumawa nito laban sa kanila.
Nagposte ang Realtors ng isang 26-point lead sa third period patungo sa dominanteng 115-80 tagumpay kontra Express sa 2007 PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Humugot si rookie Fil-Am Ryan Reyes ng 10 sa kanyang 14 puntos sa second period na siyang sinandalan ng Sta. Lucia upang sikwatin ang kanilang 2-3 baraha kahanay ang Air 21, nabigong makurba ang kanilang ikalawang sunod na ratsada.
Inangkin ng Realtors ang first half, 56-36, kung saan kumamada ang 6-foot-2 na si Reyes, produkto ng Cal State Fullerton sa California, bago iwanan ang Express, tumipa ng 102-91 tagumpay sa Coca-Cola Tigers noong Sabado sa Muntinlupa City, sa 94-63 sa 7:53 ng final canto buhat sa tres ni Joseph Yeo.
Tinipa ng Sta. Lucia ang pinakamalaking lamang sa 41 puntos, 113-72, sa huling 1:22 ng laro galing sa pangatlong tres ni forward Norman Gonzales na tuluyan nang gumiba sa Air 21.
Bilang pagpapakita ng gigil, dalawang technical fouls ang itinawag kay Express’ point guard Wynne Arboleda mula sa paniniko nito sa bibig ni Yeo sa second period at sa paglampaso nito sa sahig kay Denok Miranda sa 6:03 ng fourth quarter kung saan angat ang Realtors, 95-66. (RCadayona)