Mahirap mang makamtan, pipilitin nina Fil-American beach volleyball players Dianne Pascua at Heidi Ilustre na makakolekta ng mga puntos na kakailanganin nila para makasikwat ng isang Olympic slot sa 2008 Beijing Games sa China.
Makaraang tumapos bilang 17th placer sa katatapos na Swatch-FIVB World Tour sa Phuket, Thailand, lalahok naman ngayong araw sina Ilustre at Pascua sa Hong Kong Women’s Beach Volleyball Challenger.
“We’re hoping to gain points that are necessary for our chances to make it to the Olympic Games,” sabi ng 29-anyos na si Ilustre, ang ina ay tubong Bulacan at ang ama ay isang Californian. “Sana mangyari ‘yung dream namin to play in the Olympic Games and represent our country.”
Sa torneo sa Phuket, Thailand kung saan nila nakaharap ang 2005 Philippine Southeast Asian Games gold medal winners Kamolthip Kulna at Yupa Phokongploy ng Thailand, naka-hugot sina Ilustre at Pascua ng 180 puntos.
“We need the points for us to get a crack at the Olympic slot. Hopefully, we can make a good showing in the Hong Kong leg,” wika ng 30-anyos na si Pascua, ang ama ay lumaki sa US at ang ina naman ay isang German national.
Buhat sa nakuhang 180 puntos sa Thailand, may kabuuang 590 ngayon ang tambalan nina Ilustre at Pascua, bronze medalist sa 2005 SEA Games, para sa No. 37 sa mundo.
Bukod sa isang Olympic slot, hangad rin nina Ilustre at Pascua na maagaw kina Kulna at Phokongploy ang gold medal sa 2007 Thailand SEA Games sa Disyembre.
“After Hong Kong we’re gonna go back to US and prepare for the 2007 Southeast Asian Games in Thailand,” ani Ilustre. “We’re hoping to get that gold medal from Thailand.” (Russell Cadayona)