Matapos makausad ang apat na Pinoy na nagsimula ng kampanya ng bansa sa World Pool Championships kamakalawa, sumunod din sina Francisco ‘Django’ Bustamante, Alex Pagulayan at Ramil Gallego sa pagpapatuloy ng aksiyon sa Araneta Coliseum kahapon.
Ang powerbreaking former world No. 1 na si Bustamante ay sumulong sa knockout phase ng torneo sa ikasiyam na sunod na taon matapos ang 9-0 panalo laban kay Jeong Younghwa ng Taiwan na isang beses lamang nakatira.
“Mula’t sapul winner’s break talaga ang format na gusto ko,” ani Bustamante na naunang nanalo kay South African Zbynek Vaic, 9-4.
Nagparamdam din si Pagulayan matapos ang 9-0 panalo laban kay Hamsa Mohammed ng Eritrea at Martin Kempter ng Austria, 9-6 upang makasulong sa susunod na round.
Sumama din si Gallego sa mga nakalusot na Pinoy matapos igupo sina Chan Ken Kwang ng Singapore, 9-4 at Chang Jungling, 9-1.
Nauna nang nakasulong sa knock-out phase sina defending champion Ronnie Alcano, Efren ‘Bata’ Reyes, Antonio ‘Gaga’ Gabica at Joven Bustamante.
Hindi naman sinuwerte ang ibang Pinoy kahapon matapos makalasap si Lee Vann Corteza ng nakakadismayang 7-9 pagkatalo sa Serbian na si Goran Mladenovic.
Si Antonio Lining naman ang unang biktima ni Jeong na nalaglag sa loser’s bracket.