Silver kay Tañamor
CHICAGO, Illinois — Yumukod si light-flyweight Harry Tañamor sa impresibong si Zou Shiming ng China, 3-16 para magkasya lamang sa silver medal sa International Amateur Boxing Association World Boxing Championships na nagtapos sa University of Illinois-Chicago Pavilion dito.
Nanakit ang kaliwang kamay ni Tañamor, bahagi ng RP-PLDT Smart boxing team, sa pagsasalag ng 1-2 combinations ni Shiming sa kaagahan ng laban at wala siyang ginawa kundi maghabol sa mga sumunod na round.
‘‘Sumasakit ang mga kamay ko tuwing sinusuntok ko siya. Hindi rin ako masyadong nakadepensa dahil sa kamay ko. Pero wala akong magagawa kundi tanggapin ang pagkatalo ko,” pahayag ni Tañamor na ilang ulit tinangkang makapuntos sa kalaban ngunit naging epektibo ang footwork ng Tsino,
“Takbo siya ng takbo. Pinilit ko siyang ma-corner pero talagang mabilis siya,” sabi pa ni Tañamor na siyang unang Pinoy boxer na nagqualify para sa Beijing Olympic sa susunod na taon.
Sinabi ni Amateur Boxing Association of the Philippines president Manny T. Lopez na may pagkakataon pa ang ibang boxers sa susunod na Asian Olympic qualifying sa January sa Bangkok, Thailand at sa ikatlo at huling Olympic qalifying para sa Asia sa Kazakhstan.
‘‘We’re seeking more berths. ABAP hopes to send six boxers in Beijing,’’ pahayag ni Lopez.
- Latest
- Trending