MACAU -- Ang dating ‘badboy’ ay isa na ngayong golden boy.
Muntik nang hindi makasama sa biyahe si light-welterweight Ruben Zumido para sa Macau 2nd Asian Indoor Games dito dahil sa suspension bunga ng panununtok ng kanyang teammate.
Ang kanyang pagiging mainit ay ginamit niya kay Metta Khetnok ng Thailand upang ihatid ang kaisa-isang ginto ng RP Team matapos mabigo ang una nitong dalawang kasamahan.
Nagningning ang ginto ni Zumido kasama ang dalawang silver at tatlong bronze ng Philippines sa kompetisyong nilahukan ng 45-bansa.
Walang bansang nanalo ng mahigit 10-golds maliban sa China na nagsubi ng 59 ginto kasunod ang Thailand (19), Hong Kong (15) at Korea (10). Ang Philippines ay No. 19 sa Top 20.
Bukod sa ginto at dalawang silver na produksiyon ng muay athletes, nanalo din ang Pinas ng bronze sa chess, hoop sepak takraw at isa pa sa muay.
Nakasama si Zumido sa team matapos mangakong magbago dahil nasuspindi ito ng apat na buwan ngunit pinagbigyan ito ng Muay Association of the Philippines (MAP).
Nabigo sina Roland Claro at Brent Velasco laban kina Chan Kai Tik ng Hong Kong sa flyweight match via unanimous at Supachai Payunhan ng Thailand sa isa ring unanimous victory sa bantamweight finals ayon sa pagkakasunod upang parehong magkasya lamang sa silver medals lamang.