Ginamit ng Ateneo ang kanilang lakas at mahusay na court coverage upang igupo ang Adamson, 25-19, 21-25, 25-21, 25-21, na nagkaloob sa kanila ng ikalawang semifinal berth sa Shakey’s V-League Second Conference sa The Arena sa San Juan kahapon.
Nagpakawala si Thai import Lithawat Kesinee ng 30-plus point performance kung saan umiskor ito ng 26 kills upang pamunuan ang Lady Eagles sa ikaapat na panalo mula sa limang asignatura.
Ito ang nagbigay sa Ateneo ng ikalawang semis spot upang samahan sa susunod na round ang wala pang talong San Sebastian College at bunga nito, apat na teams ang naglalaban sa natitirang tatlong slots sa ligang sponsored ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision.
Bumagsak sa ikaapat na puwesto ang Adamson bunga ng 3-2 (win-loss) at inangkin ng UST ang No. 3 spot sa kanilang 3-1 slate at nasa fifth place ang FEU na may 2-2 card kasunod ang La Salle na may 1-2 slate.
Nagdeliber din si Ma. Rosario Soriano ng 14 attacks para tulungan si Kesinee na naasahan din sa depensa sa kanyang siyam na blocks.
Nagtulung-tulong naman sina Bea Pascual, Denise Acevedo, Patricia Taganas at Karla Bello sa 22 points para sa Lady Eagles, na tumapos ng laro sa loob ng isang oras at 40-minuto.