James Yap na naman ang bidaJames Yap na naman ang bida
Sa ikaapat na sunod na pagkakataon, muling umiskor si 2006 Most Valuable Player James Yap ng higit sa 20 puntos sa isang laro.
Kumolekta ang 6-foot-2 na si Yap ng 18 sa kanyang game-high 27 produksyon sa fourth quarter para tulungan ang Purefoods Tender Juicy Giants sa 87-77 paggiba sa Welcoat Paints sa 2007 PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang naturang tagumpay ang nagpatibay sa pagkapit ng Giants sa liderato mula sa 4-0 baraha, habang nahulog naman sa 1-3 ang marka ng Dragons katabla ang nagdedepensang Ginebra Gin Kings sa ilalim.
“Nobody wins on paper with a 4-0 mark,” wika ni coach Ryan Gregorio. “It’s hard to be No. 1, and it’s harder to stay at No. 1. In the end, we have to stay alive.”
Huling nalasap ng Welcoat ang bentahe sa 63-62 sa 9:58 ng fourth quarter buhat sa isang 3-point shot ni Denver Lopez makaraang ibaon ng Purefoods sa 47-54 agwat sa 4:03 ng third period galing sa basket ni Jondan Salvador.
Sa pamumuno nina Yap at Kerby Raymundo, humakot ng 23 marka, 11 boards, 3 assists at 3 steals, itinala ng Giants ang isang 81-73 abante sa huling 2:32 ng fourth quarter matapos maitabla ng Dragons ang laban sa 68-68 mula sa split ni 2007 top overall pick Joe Devance sa 7:10.
Isang tres ni Nic Belasco, sumikwat ng conference-high 20 rebounds at 7 puntos, ang naglapit sa Welcoat sa 77-82 sa nalalabing 1:29 ng laro bago ang split ni Romel Adducul at apat na freethrow s nina Yap at PJ Simon para sa 87-77 lamang ng Purefoods sa huling 3.4 segundo.
Samantala, haharapin naman ng Magnolia (3-1) ang Talk ‘N Text (2-2) ngayong alas-7:20 ng gabi makaraan ang upakan ng Air 21 (1-2) at Coca-Cola (1-2) sa alas-4:50 ng hapon sa Muntinlupa Gym.
Kasalukuyang naglalaban ang Sta. Lucia at Red Bull habang sinusulat ang balitang ito. (RCadayona)
- Latest
- Trending