Pacquiao ‘di interesadong kalabanin si Marquez
Hindi nakikita ni World Boxing Council (WBC) president Jose Sulaiman ang intensyon ni Filipino boxing hero Manny Pacquiao na labanan si Mexican world super featherweight champion Juan Manuel Marquez.
Ayon kay Sulaiman, tanging ang kampo lamang ng 34-anyos na WBC super featherweight king na si Marquez ang nagpaparamdam na maitakda ang kanilang rematch ni Pacquiao sa 2008.
“I have my doubts. I do not see much enthusiasm in the Pacquiao camp to fight Marquez. I see enthusiasm in the Marquez camp. They mention it continually. He really wants to fight Manny,” ani Sulaiman kahapon. “But Manny after defeating Marco, has not mentioned fighting Juan Manuel, and that’s very strange to me.”
Tinalo ng 28-anyos na si Pacquiao sa ikalawang sunod na pagkakataon si dating WBC super featherweight titlist Marco Antonio Barrera sa kanilang rematch noong Oktubre 6 sa Mandalay Bay Resort sa Las Vegas, Nevada.
Matapos ito, inihayag ng WBC International ruler na si Pacquiao, nalusutan ni Marquez ng isang draw sa kanilang laban noong Mayo ng 2004 sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, ang pag-akyat sa lightweight division.
Inihayag na ni Marquez na handa siyang makipagtuos kay Pacquiao sa 2008 matapos ang kanyang title defense kay American challenger Rocky Juarez sa Linggo (Manila time) sa Desert Diamond Casino sa Tucson, Arizona.
Idinagdag pa ng WBC chief na mas mahalaga sa kampo ni Pacman ang premyong makukuha sa kanyang mga laban at hindi ang korona. (RC)
- Latest
- Trending