Kumpleto na ang cast ng World Pool C’ships
Kumpleto na ang cast ng 2007 Philippines World Pool Championship na magsisimula bukas makaraang angkinin nina Dang Jinhui ng China at Chun Minhung ng Taiwan ang huling slot sa 128 -man draw na maglalaban-laban para sa top prize na $100,000.
Pinangunahan nina Dang at Chung ang qualifying sa Star Billiards Centers sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.
Iginupo ni Dang si Japanese Toru Kobayashi, 9-5, sa finals ng ninth qualifier para maging No. 2 player sa Group 7 sa likod ni Taiwan top seed Chang Jungling, ang reigning Asian 9-Ball Tour king.
Dumaan naman sa butas ng karayom si Chung bago itakas ang 9-8 decision sa palabang Pinoy cue artists na si Jundel Mazon, ang 2006 Kuwait 9-Ball titlist, para sa 10th at huling qualifying slot na naglagay sa kanya sa Group 3 kung saan top seed ang kanyang kababayang si 2005 world titlist Wu Chiaching.
Sa kabuuan, may limang Taiwanese ang nakakuha sa 10 slots na pinaglabanan at may 13 entries na ang Chinese-Taipei sa WPC.
Nakalusot naman sina veteran Leonardo Andam at Warren Kiamco kaya ang Pinas ay may kabuuang 15 na lahok sa torneong hatid ng San Miguel Corporation at PAGCOR.
Tatlong Filipino aces, sa pangunguna ni defending champion Ronnie Alcano, ang Group 1 top seed ang sasabak sa opening day.
Haharapin ni Alcano si Saeed Ahmed AlMutawa ng United Arab Emirates habang sisimulan naman ni Efren “Bata” Reyes, ang 1999 titlist, ang kampanya sa Group 6 laban sa Japanese qualifier na si Kenichi Uchigaki sa alas-11:30 ng umaga.
Si Doha Asian gold medalist Antonio Gabica, ang wild card entry sa Group 4, ay sasagupa kay Bruno Muratore, five-time Italian champion.
- Latest
- Trending