Tañamor pasok sa Olympics
CHICAGO, Illinois -- Pumasok si lightflyweight Harry Tanamor sa 2008 Beijing Olympics matapos igupo si Sherali Dostiev ng Tajikistan at nakausad din siya sa quarterfinals ng International Amateur Boxing Association World Boxing Championships nitong Miyerkules dito.
Nagtapos sa 4-4 deadlock ang laban ng 29-gulang na si Tañamor makaraan ang four-round bout ngunit idineklarang winner ang Pinoy pug dahil siya ang mas agresibong fighter.
Nabigo naman sina flyweight Violito Payla at lightweight Genebert Basadre na makakuha ng Olympic slots.
Yumukod si Payla sa hometown bet na si Rau’shee Warren sa 11-25 score, habang nabigo naman si Basadre kay Armenian Hrachik Javakyan, 6-17.
“Hinanap ni Dostiev ang maliit na butas para maka-iskor. Ingat na ingat siya kaya kailangan talunin ko siya sa diskarte niya. Masaya ako na nanalo ako,” ani Tañamor na lumaban din sa Sydney at Athens Olympic Games.
Tangka ni Tañamor ang semifinals berth laban kay Pan American Games gold medallist Luis Yanez na nagtala naman ng Referee-Stopped-Contest- compulsory count limit laban kay Australian Stephen Sutherland.
Malinaw na sa kaagahan pa lang ng laban na ayaw magpang-abot ng dalawang boxers. Parehong nag-iingat ang dalawa ngunit minsan ay tumatama ang left straights ni Tañamor kay Dostiev na laging nakadistansiya.
Sina Payla, Basadre at bantamweight Joan Tipon ay may tsansa pang makasama sa Olympics sa isa pang Asian qualifying na nakatakda sa Enero sa susunod na taon sa Bangkok, Thailand.
Maagang natambakan si Basadre na nabaon na sa 0-9 at di na nakabangon pa gayundin si Payla na naghabol na rin sa 3‑13 sa simula pa lamang ng laban.
- Latest
- Trending