Ika-3 win, tangka ng Talk N Text

Nagmula sa isang malaking panalo kontra sa isang nagdedepensang kampeon, haharapin ng Talk ‘N Text ang Sta. Lucia ngayong alas-6:50 ng gabi makaraan ang labanan ng Magnolia at Coca-Cola sa alas-4:30 ng hapon sa 2007 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Nasa mga kamay ng Purefoods Giants ang liderato mula sa malinis na 3-0 baraha sa itaas ng Beverage Masters (2-1), Phone Pals (2-1), Tigers (1-1), Red Bull (1-1), Air 21 (1-1), Ginebra (1-1), Alaska  (1-2), Welcoat (1-2) at Realtors (0-2)

Isang 111-102 tagumpay ang kinuha ng Talk ‘N Text sa Ginebra noong Miyerkules kung saan tumipa si Mark Cardona ng 20 puntos, tig17 sina Jimmy Alapag at Felix Belano.

Unang tagumpay ang pilit na susungkitin ng Realtors, nagmula sa 96-101 pagkatalo sa Beverage Masters.

Sa inisyal na laban, ang pagbawi naman sa kanilang unang kabiguan ang asam ng Magnolia sa pakikipagsagupa sa Coke.

Kapwa nanggaling sa pagkatalo ang Beverage Masters at Tigers mula sa 90-93 pagyukod sa Giants noong Biyernes at 94-98 kahihiyan sa Aces, ayon sa pagkakasunod.(RC)

Show comments