Hanggat wala pang napipirmahang fight contract ay hindi pa maaaring ipagsiwagan ng kampo ni Armenian fighter Vic Darchinyan ang super flyweight eliminator nila ni Filipino pride Z “The Dream” Gorres.
Ito ang inihayag kahapon ni Filipino manager Tony Aldeguer hinggil sa sinabi ng grupo ng 31-anyos na si Darchinyan na itinakda na ang kanilang paghaharap ng 25-anyos na si Gorres sa Disyembre 1 sa Foxwoods Casino sa Connecticut, USA.
Ang naturang laban nina Gorres at Darchinyan ay magsisilbing eliminator ukol sa hahamon kay International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Dimitri Kirilov ng Russia.
“It is not yet an order of the IBF to fight but rather an order to negotiate,” paglilinaw ni Aldeguer. “As far as we are concern, nasa negotiation table pa ‘yan dahil we don’t know yet how much Gorres will get, when will be the fight and where will it be held.”
Ayon pa kay Aldeguer, gusto lamang maisama ni Darchinyan, inagawan ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. ng IBF at International Boxing Organization (IBO) flyweight crown mula sa isang fifth round knockout noong Hulyo 7 sa Bridgeport, Connecticut, ang kanyang sarili sa unang title defense ng tubong GenSan kay Mexican challenger Luis Maldonado sa December 1.
Umaasa si Billy Hussein, trainer ni Darchinyan na nagdadala ng 29-1 win-loss ring rekord kasama ang 23 KOs, na mapaplantsa ang Darchinyan-Gorres eliminator sa Disyembre 1 bilang isa sa undercard ng Donaire-Maldonado IBF flyweight championship.(RCadayona)