Katulad ng mga Mexican fighters, isa ring tigasin at agresibong boksingero si Luis Maldonado, ayon kay Filipino world flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
“He’s a typical Mexican fighter who always wants to go out there fight and give everything he got until he wears you down,” wika ng 24-anyos na si Donaire kay Maldonado.
Itataya ni Donaire ang kanyang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles laban kay Maldonado sa Disyembre 2 sa Foxwoods Resort and Casino sa Mashantucket, Connecticut.
Ito ang kauna-unahang title defense ng tubong General Santos City na si Donaire matapos patulugin si dating IBF at IBO titlist Vic Darchinyan sa fifth round noong Hulyo 7 sa Bridgeport, Connecticut.
Tangan ni Donaire, nasa isang 17-fight winning streak ngayon, ang 18-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 11 KOs, habang ibinabandera naman ni Maldonado ang 37-1-1 (28 KOs) slate. (RC)