^

PSN Palaro

Malaki Ang Future Ng Alaska Milk

FREETHROWS - AC Zaldivar -

Bagamat naresbakan ng Talk N Text ang Alaska Milk noong Miyerkules, hindi yon nangangahulugang hindi kaya ng Aces na maisubi ang ikalawang sunod na kampeonato.

Kahit paano’y may asim ang Aces at makakagawa ng adjustments si coach Tim Cone base sa performance ng kanyang mga bata sa kanilang unang laro kung saan namayani ang Phone Pals, 113-106. Kasi nga, kapag tiningnan ang line-up ng Alaska ay masasabing kumpleto ito. Tumangkad nga ang Aces dahil sa pagkakakuha sa mga rookies na sina JR Quiñahan at Ken Bono. Bumata rin sila nang sungkitin si Jun-jun Cabatu buhat sa Welcoat kapalit ng beteranong si Nic Belasco.

Kumbaga’y dahan-dahang bine-break in ni Cone ang kanyang mga bagong manlalaro. Pero kapag napalabas ni Cone ang buti ng mga ito, aba’y mahirap tibagin sa gitna ang Aces. Para bang napaghandaan na ng Alaska ang kinabukasan sa pagkuha sa mga batang ito.

Sa kasalukuyan, sina Willie Miller, Jeffrey Cariaso at Mike Cortez pa rin ang main guys ng Alaska Milk. Idagdag pa rito si Tony dela Cruz na nagbabalik matapos ang stint sa national team.

Siguro’y naninibago ang Aces sa tawagan ng mga referees lalo’t hinahayaan na nga ngayon na maging sobrang pisikal ang depensa ng kalaban. Madaling nakapag-adjust ang Phone Pals sa bagong appreciation ng rules. Sabi nga ni Talk N Text coach Derick Pumaren, “You eigther bump or get bumped. There’s no room for soft players.”

Ayaw naman ng mga beteranong mag-adjust dito.

Ang problema lang ay ang mga bagong players na kagaya nga nina Quiñahan, Bono at Cabatu. Malalaki nga sila pero medyo andap pa. Si Quiñahan ay kilala bilang “Baby Shaq” ng Visayas. So, kung Baby Shaq siya, dapat ay kaya niyang gawin kahit paano ang ginagawa ni Shaquille O’Neal na parang bulldozer sa shaded area.

Si Bono ay hindi kailanman naging kilala sa pagiging pisikal noong siyay naglalaro pa sa Adamson Falcons. Katunayan, kahit na siya ang leading rebounder ng Falcons, mas may tendency siya na tumira sa labas kahit na hanggang sa three-point area. So siguro’y dapat na maging handa si Bono sa pakikipagtunggali sa malalaking kalaban sa shaded area.

Si Cabatu ay isa ring outiside shooter pero puwedeng maki-pagsabayan sa shaded area. E, kung patapangan lang ang pag-uusapan, aba’y puwede siyang turuan ng kanyang amang si Sonny Cabatu na isa sa mga tinaguriang “enforcers” ng liga.

Nagsisimula pa lang naman ang pag-usbong nila sa PBA. Marami pa silang matututuhan. At kapag dumami na ang kanilang kaalaman, tiyak na pakikinabangan sila nang husto ng Aces.

ALASKA MILK

BABY SHAQ

PHONE PALS

TALK N TEXT

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with