Alcano, Parica sumulong
Muling ipinakita ni double world champion Ronnie Alcano ang kanyang supremidad laban sa pool legend na si Efren “Bata” Reyes habang nagbalik ang dating porma ni Jose “Amang” Parica upang igupo si Francisco “Django” Bustamante sa US Open 9-ball Championship sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia nitong Huwebes.
Nagtala si Alcano, nanalo din kay Reyes, 10-7, patungo sa kanyang world 9-ball crown noong nakaraang taon, ng 11-7 victory laban sa 1999 world champion na si Reyes upang manatili sa winners’ side.
Sa kabilang dako, nakahugot naman si Parica ng 11-8 panalo laban kay Bustamante at samahan ang 15 pang walang talong players sa isang linggong tournament na nilahukan ng 233 world caliber players.
Susunod na kalaban ni Alcano si Warren Kiamco sa fifth round habang makakasagupa ni Parica si Tyler Edey na sumilat sa former world champion na si Thorsten Hohmann, 11-8.
Tinalo ni Kiamco ang kababayang si Lee Van Corteza, 11-6.
Nakausad din si Dennis Orcollo sa pamamagitan ng 11-4 win laban kay Tony Crosby upang isaayos ang fifth round duel laban kay James Walden sa Bracket 2.
Sisikapin namang makarekober nina Reyes at Bustamante sa losers’ side kung saan nalasap ni Alex Pagulayan ang 9-11 pagkatalo kay Michael Dechaine, upang tuluyan nang masibak sa tournament.
Ang iba pang nanatili sa winners’ side ay sina Louis Ulrich, Tony Robles, Allen Hopkins, Tomoki Mikari, Ralf Souquet, Johnny Archer, Mike Davis, Corey Deuel, Ronnie Wiseman at Shane Van Boening.
- Latest
- Trending