Heto marahil ang isang pangyayaring maidadagdag sa talaan ng mga “sad stories” sa Philippine Basketball Association. Nasagap natin ito sa isang umpukan at medyo naantig ang ating damdamin.
Ang kuwento ay tungkol kay Andrew John Seigle, ang top pick ng 1997 Draft. Kung titingnang maigi, si Seigle ang nagsimula ng “wave” ng mga Fil-Americans na kasalukuyang naglalaro sa PBA. Siya ay kinuha bilang No. 1 pick ng Mobiline matapos na madiskubre ni Tommy Manotoc na noon ay siyang coach ng Phone Pals. Ang No. 2 pick noon ay si Nic Belasco na kinuha naman ng Sunkist.
Bukod sa Mobiline (ngayon ay Talk N Text), si Seigle ay naglaro din para sa Purefoods at sa Barangay Ginebra hanggang noong nakaraang season.
Pero ngayon ay mapapansing wala ang kanyang pangalan sa line-up ng Gin Kings o ng anumang koponang kalahok sa 33rd season ng PBA. Retirado na siya at masaklap ang kanyang naging pagreretiro.
Sa huling dalawang taon ng kanyang career ay parati na lamang nagkakaroon ng injury si Seigle, isang two-time Asian Gamer. Nagkaganito man ay binigyan siya ng offer ng Gin Kings at diumano ito’y nagkakahalaga ng P200,000 kada buwan subalit tinanggihan niya ito.
Sa halip, minabuti niya na humanap ng ibang koponan sa pag-aakalang magkakaroon siya ng mas mataas na value. Pero paano niya makukuha iyon kung parati nga siyang injured. Katunayan, sa nakaraang season, si Seigle ay nag-average lang ng tatlong puntos, 2.84 rebounds, 0.32 assist, 0.16 steal, 0.28 blocked shot at 0.72 error sa 9.84 minuto sa 25 games.
Sinubukan ni Seigle na magtryout sa Red Bull na nabawasan ng isang malaking player matapos na ipamigay si Enrico Villanueva sa San Miguel Beer. Sa tutoo lang, may puwang nga si Seigle sa kampo ng Barakos at binigyan siya ng offer na P150,000 kada buwan na mas mababa sa offer ng Gin Kings.
Handa na sanang tanggapin ni Seigle ito dahil sa nakakahiya namang bumalik sa Barangay Ginebra matapos na tanggihan niya ang kanyang dating ballclub.
Pero nadisgrasya si Seigle. Sa isang ensayo ay nagtamo siya ng torn anterior cruciate ligament. At dahil sa hindi pa naman siya nakakapirma, tuluyan na siyang hindi nakabilang sa line-up ng Red Bull.
At dahil sa wala naman siyang team, sino ang gagastos sa pagpapaopera niya ng tuhod at sa rehab?
So, automatic na nagretiro si Seigle.
Tsk, tsk, tsk....
Sad, ‘di ba?