Harbour Centre-RP5 pinulbos ang US Army
SEOUL, South Korea -- Sa ikalawang sunod na pagkakataon, sumandal ang Harbour Centre-Philippine team sa matinding outside shooting upang igupo ang US Army, 102-88, sa isang ‘friendly game’ sa US Army Base gym dito sa Hanyang.
Pinangunahan ni dating Far Eastern University hotshot Jeff Chan ang pananalasa ng RP quintet sa pagkamada ng unang 10-puntos ng laro tungo sa pagdomina ng laban ng Nationals na naghahanda para sa SEA Games sa Thiland sa December.
Sa ikalawang panalo ng Harbour-RP5, ipinamalas nila ang kanilang lakas sa opensa matapos umiskor ng 15-triples, apat nito ay mula kay dating Hapee Toothpaste standout Allan Salangsang upang di makalapit ang Armyman na ang ilan ay naglaro sa US-NCAA.
“So far we’re improving a lot, the flow of our offens and even our defensive rotation are improving,” sabi ni team manager Erick Arejola. “Our shooters need to gain more confidence in time for the SEA Games.”
Sa unang panalo ng RP Squad, nagbida si Boyet Bautista sa 91-76 panalo kontra sa Yonsei University.
Pinangunahan ni Salangsang ang RP Team sa kanyang 16 points kasunod si Jeff Chan na may 14, kabilang ang tatlong triples tulad ni Jonathan Fernandez na tumapos naman ng 13 points.
- Latest
- Trending