Triple bill sa Rizal Baseball Park

Isa na namang triple bill ang ihahandog ng Baseball Philippines’ Series II ngayon sa Rizal Memorial ballpark.

Sa unang laro sa alas-7 ng umaga, maghaharap ang talunan na Taguig at Dumaguete upang makabangon at hindi malagay sa hulihan.

Susundan naman ito ng mahigpit na magkaribal na Makati Marlins kontra sa Manila Sharks sa alas-10:30 ng umaga at sa huling laro na gaganapin sa alas-2:00 ng hapon, magkakasubukan ang Cebu Dolphins at ang bagong Marikina Shoe Makers.

Sa unang laro, bahagyang pinapaboran ang Taguig dahil sa kasama ang No. 1 pitcher na si Ernesto Binarao.

Bukod kay Binarao, makakasama din sa  line-up ng Taguig sina Ferdinand Recto, Adly Velasquez, Gil Encarnado at ang artistang si Gary Estrada na minsan ay naging team member ng RP team.

At sa ikalawang laro, nakakaangat naman ang nagdedepensang kampeong Makati Marlins na iginigiya ni Jeffrey Santiago kontra sa Manila Sharks. 

Inaasahan pasisimulan ng kaliweteng pitcher na si Jonjon Robles na sasaluhan ni catcher Willy Hidalgo.

Ang starting pitcher na si Charlie Labrador at catcher Nino Tator ang isasabak ng Manila Sharks kontra sa Makati.

Walang duda na ang unang papupukulin ni coach Randy Dizer ay si Vladimier Eguia samantalang si Junifer Pinero ang catcher para naman sa Marikina Shoe Makers sa ikatlong bakbakan.

Ang Cebu sa pamamahala ni coach  Isaac Bacarisas ay walang dudang starter si Joseph Orillana at catcher ay si Fulgencio. (Anatoly dela Cruz)

Show comments