Ang 1st Conference champion University of Santo Tomas ang kaagad na susubok sa nagdedepensang De La Salle University sa paghataw ng 2nd Conference ng Shakey’s V-League Women’s Volleyball Tournament bukas sa The Arena sa San Juan.
Magtatapat ang mga Tigresses at ang mga Lady Archers sa ganap na alas-5 ng hapon matapos ang labanan ng Far Eastern University Lady Tams at Adamson University Lady Falcons sa alas-3.
Kumpara sa UST, La Salle, FEU at Adamson, nagtungo naman ang Ateneo De Manila University sa Bangkok, Thailand para sa kanilang training.
“I’m sure this foreign training will improve the team further,” wika kahapon ni assistant coach Micmic Laborte sa mga Lady Eagles.
Nakatakdang magbalik sa Pilipinas ang Ateneo ngayong araw matapos ang halos tatlong linggo nilang pagsasanay sa Bangkok para sa V-League at sa 70th UAAP women’s volleyball tournament.
Kumpiyansa naman si head coach Ronald Dulay na magiging maganda ang kanilang kampanya sa naturang dalawang torneo.
Muling pangungunahan nina Charo Soriano, Patti Taganas at Karla Bello ang Lady Eagles, makakatagpo ang Tigresses sa Oktubre 21 para sa kanilang unang laro sa 2nd Conference ng V-League. (R.Cadayona)