Kahit araw-araw magboksing si Pacquiao
Handang magboksing kahit araw-araw si Manny Pacquiao kung ito ang magiging daan para mapag-isa ang mga mamamayang Filipino.
Ito ang sinabi ni Pacquiao sa maikling talumpati nito sa Malacañang sa kanyang courtesy call kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Kung ang pakikipaglaban ko araw-araw ang magiging daan upang tayong lahat ay magkaisa ay nakahanda ako kung ito ang solusyon ng ating pagkakaisa,” wika pa ni Pacquiao.
Pinasalamatan ng boxing champ ang Pangulo gayundin ang iba pang government officials na patuloy siyang sinusuportahan sa lahat ng kanyang mga laban.
Kasama ni Pacman ang kanyang ama-amahan na si Environment Secretary Lito Aitenza, dating Gov. Chavit Singson at ang Team Pacquiao ng magtungo sa Palasyo.
Sa kabilang dako, iginiit ni Peoples Champ Manny “Pacman” Pacquiao na hindi niya inisnab ang ginawang hero’s welcome ng Lunsod ng Maynila sa pagsalubong sa kanyang pag -uwi sa bansa.
Ayon kay Pacman, hindi umano nakipagugnayan ang naturang lunsod sa kanyang kampo at nagulat na lamang siya sa pagdating sa Ninoy Aquino International Airport nang malaman na may imbitasyon sa kanya ang Maynila.
Dagdag pa ni Pacman na sa mga nauna niyang laban may abiso ang Maynila na may aktibidades ang Maynila subalit itong huli niyang laban ay wala namang abiso sa kanyang kampo ang lokal na pamahalaan ng Maynila
Samantala, nagdonate ng P100,000 si Pacquiao sa Philippine Eagle Foundation upang magamit sa preservation ng mga agila sa bansa sa kanyang pagtungo sa Department of Environmental and Natural Resources (DENR).
Nilinaw pa ng Peoples champ na kaya siya nagpalit ng trademark na agila sa kamao ay layon niyang makatulong sa kampanya para mapangalagaan ang species ng Phil. Eagles gayundin sa illegal logging at pagtatanim ng mga punong kahoy sa mga nakakalbong kagubatan sa bansa.
- Latest
- Trending