Mula sa maganda niyang ipinakita sa katatapos na 2007 Smart National Open Boxing Championships sa Cagayan De Oro City, halos tiyak na si featherweight Orlando Tacuyan, Jr. na makakalahok sa darating na 24th Southeast Asian Games sa Thailand.
“Although gusto namin siyang isama sa national team for the 2007 Thailand Southeast Asian Games, we still have to deliberate kasi ang buong Amateur Boxing Association of the Philippines ang talagang gumagawa ng decision,” wika ni ABAP secretary-general Roger Fortaleza.
Isa lamang ang 19-anyos na si Tacuyan, miyembro ng national pool, sa mga ikinukunsidera ng ABAP para sa 2007 SEA Games sa Thailand, ayon kay Fortaleza.
“Kung talagang mapapasama nagpapasalamat ako sa ABAP sa pagkukunsidera nila sa pangalan ko for the 2007 Southeast Asian Games,” wika ng Hotel and Restaurant Management (HRM) scholar ng University of Baguio. “Dream ko talagang mapasama sa national team.”
Ang iba pa bukod kay Tacuyan, tumalo kay 2006 Asian Games gold medalist Joan Tipon sa 2007 National Open, ay sina pinweight Bill Vicera at light flyweight Albert Pabila.
Sina Tacuyan, Vicera at Pabila ang sumuntok ng gintong medalya sa kani-kanilang dibisyon sa nasabing week-long national boxing meet sa Cagayan De Oro City. (RC)