Cagayan De Oro City — Inaasahan nang si 2006 Asian Games gold medal winner Violito Payla ang muling maghahari sa flyweight division, habang magiging maigting naman ang upakan sa light flyweight at featherweight class.
Magaan na tinalo ng 28-anyos na si Payla ng Philippine Army si Joemel Bilbar ng Talisay, Negros Occidental via RSC (referee-stopped-contest) sa 1:01 ng second round para umabante sa final round ng 2007 Smart National Open Boxing Championships dito.
“Hindi ako dapat maging kumpiyansa sa finals kasi may istilo rin naman ang makakalaban ko,” ani Payla sa kanyang pakikipag-agawan kay Rey Saludar ng Davao del Norte-A, bumigo kay Hopewell Galupo ng Malaybalay, Bukidnon mula sa isang RSC sa 57 segundo ng first round, para sa gintong medalya ng nasabing weeek-long boxing meet.
Ang National Open, dagdag ni Payla, ay bahagi ng kanilang training para sa nalalapit na 2007 World Championships sa Chicago, USA sa Oktubre 14.
“Maganda na rin preparasyon ito para sa world championship namin para hindi kami mawala sa focus at palagi kaming nasa kondisyon,” sabi ni Payla, muling makakasama sina bantamweight Joan Tipon at light flyweight Harry Tanamor sa naturang biyahe.
Kumpara kay Payla, natalo naman si Tipon, ang 2006 Asian Games gold medalist, kay Orlando Tacuyan, Jr. ng Angeles City sa feather-weight class ng National Open at nabigo ang 2003 at 2005 Southeast Asian Games gold medal winner na si Tanamor kay Albert Pabila ng Philippine Navy-Bago City.
Umabante rin sa finals ang 19-anyos na si Tacuyan at ang 22-anyos na si Pabila, kapwa miyembro ng national training pool.
Pinayukod ng 5-foot-9 na si Tacuyan si Virgil Basadre ng Misamis Oriental via RSC sa 1:20 ng first round, samantalang umiskor naman si Pabila ng isang 31-27 win kay Marvin Somodio ng Baguio City.
Makakatapat ni Tacuyan, Hotel and Restaurant Management scholar ng University of Baguio, ang karibal na si Charlie Suarez ng Davao del Norte-A, tumalo kay Ariel Laput ng Davao City, sa featherweight class at makakatagpo naman ni Pabila si Frederick dela Cruz ng Davao City-A, nagpatalsik kay Ariel Pama ng Iligan City, sa light flyweight category.
“Naglaban na rin kami sa juniors, kaya more or less alam ko na rin ang style niya. Alam kong mananalo ako sa kanya,” wika ni Tacuyan kay Suarez, nakasama nina Payla, Tipon at Tanamor sa nakaraang Ostrova Gran Prix sa Czech Republic.