Nagkasuntukan sina Danny Seigle ng Magnolia at Billy Mamaril ng Barangay Ginebra sa tuneup game ng kanilang team na napagwagian ng Kings sa Green Meadows gym noong Miyerkules.
Nagkatulakan sina Seigle at Mamaril na nauwi sa suntukan sa away na mula sa malakas na banggaan sa unang bahagi ng laban.
At makaraang awatin ang dalawa para magpalamig, nagkasundo at bumalik sa laro para tapusin ang laban kung saan tinalo ng Kings ang Beverage Masters (dating San Miguel Beermen) ng tatlong puntos.
“You see Billy plays with a lot of energy and enthusiasm. He accidentally hit Danny in one play and it sparked the fight. But after a while, both cooled down,” ani Ginebra coach Jong Uichico.
Dinomina ng Kings, na wala ang mga star nilang sina Mark Caguioa at Rafi Reavis na injured, ang laro at pinigil ang endgame rally ng Beverage Masters.
“We poured everything while they’re a bit lax,” ani Uichico na balewala ang resulta ng laro.
Ang Magnolia ang paborito habang dark horse naman ang Ginebra sa pagbubukas ng 33rd PBA season sa Oktubre 14 sa Araneta Coliseum.
Makakalaban ng Magnolia Beverage Masters ang Air21 Express sa opening.
Samantala, tinipon ang lahat ng players sa Erwin theater sa Ateneo para sa seminar na ipinatawag ni league chairman Tony Chua at officer-in-charge Sonny Barrios.
Kabilang si businessman-sportsman Robert Cuan ang tagapagsalita na nagbigay sa mga players ng tip paano pamamahalaan ang kanilang mga pera. (Nelson Beltran)