CAGAYAN DE ORO City -- Hindi na maitatagong nawawala na ang ningning ng mga Filipino amateur boxers sa Olympic Games at World Championships.
Ayon kay Dr. Alcides Sagarra Caron, ang itinuturing na pinakamagaling na amateur boxing coach sa Cuba at posibleng sa buong mundo, makikita ito sa kasaysayan ng paglahok ng Pilipinas sa Olympic Games at World Championships.
“In comparison with the other nations, the Philippines has a very poor results when it comes to performances in the Olympics and World Championships,” ani Caron sa pamamagitan ni Olympic shooter at Asian football Hall of Famer Enrique Beech.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin masilo ng Pilipinas ang mailap na kauna-unahang gold medal sa Olympic Games sapul nang sumali noong 1924 sa Paris.
Ang mga silver medal pa rin nina light flyweight Mansueto “Onyok” Velasco, Jr. at featherweight Anthony Villanueva noong 1996 Atlanta at 1964 Tokyo Games, ayon sa pagkakasunod, ang pinakamalapit na ng bansa sa gold medal sa Olympic Games.
Sinabi ng 71-anyos na si Caron, ilan sa mga produkto ay sina Olympic gold medal winners Felix Savon, Teofilo Stevenson, Felix Balado at Joel Casamayor, na may panahon pa ang bansa para palakasin ang boxing program nito.
“In order for your country to improve in the Olympics as well as in the World Championships, you have to work harder and make a better program in boxing,” ani Caron, nasa bansa para sa clinic at seminar sa Cagayan De Oro City.
Nagbigay si Caron sa Cuba ng kabuuang 108 gintong medalya, 76 rito ay sa World Championships at 32 naman sa Olympic Games.
Umaasa si Caron na makakasilo ng Olympic ticket ang mga Filipino pugs sa qualifying tournament sa Chicago, USA sa Oktubre para sa 2008 Games sa Beijing, China.(Russell Cadayona)