Dominasyon ng RP netters vs Kuwait nakumpleto
Kinumpleto nina Patrick John Tierro at Johnny Arcilla ang dominasyon ng Pilipinas sa Kuwait nang maipanalo ang reversed singles sa pagtatapos ng 2007 Asia Oceania Zone Group II Davis Cup Finals na nilaro sa Bassam Al-Motawa Tennis Center, Meshref, Kuwait.
Binigyan ng pagkakataong makalaro nang maselyuhan na ng Pilipinas ang tagumpay sa best of five series nang kunin ang unang dalawang opening singles at doubles gamit sina Fil-Am Cecil Mamiit at Eric Taino, dinagdagan pa ang hapdi sa sugat na naramdaman ng host netters nang kunin ni Tierro ang 6-3, 6-1 panalo laban kay Ali Al-Ghareeb bago tinapos ni Arcilla ang tie sa 6-1, 7-5 panalo laban kay Ahmad Rabeea Muhammad.
Ang 5-0 sweep ang kumumpleto sa mabungang kampanya ng RP Davis Cup sa taong ito.
Bago ito ay dinurog ng koponan ang mga bansang Pakistan, 4-1, at New Zealand, 4-1, para itakda ang pagkikita sa Kuwait na kanilang iginupo upang makabalik uli sa Group I sa 2008.
“We must get ready for Group I early. This will be the real competition,” wika ng 31anyos na si Mamiit.
At siniguro din ni Mamiit na nawala na ang kanyang allergy at hindi ito galing sa kinaing ‘tinolang manok’ na handog ng Filipino Tennis Association sa Kuwait at niluto ni Cristy Miguel ng Pangasinan.
Agad ding umalis patungong Los Angeles sina Mamiit at Taino na may sasalihang torneo doon.
- Latest
- Trending